Kasalukuyang Sitwasyon at ang mga Dapat na Asahan
(ROSARIO, BATANGAS) - Dahilan sa napabalitang unang kaso ng
positibong Covid-19 sa Bayan ng Rosario, Batangas ay hindi maiiwasang mangamba
ang marami sa ating mga kababayan. Kumalat ang balita Linggo ng hapon at ika-19
ng Abril 2020, kung saan ay sinasabing isang positibo sa Covid-19 na frontliner
na naka-assign sa National Capital Region (NCR) ang nasa Bayan ng Rosario, siya
ay asymptomatic at naka-isolate naman sa kanilang tahanan.
Kaugnay po nito, umabot sa ating
kaalaman na noon ding araw na iyon, pasado 9:00 ng gabi ay sinundo na ang
pasyente ng ating Batangas Provincial Health Office (PHO) upang ihatid sa
Isolation Area ng kanyang organisasyong kinabibilangan. Hangad po natin ang
kanyang kaligtasan. Gayundin naman, ang pook na kanyang tinigilan ay buong
naka-sarado na upang mapanatili ang mga tagaroon sa kanilang mga tahanan. Gaya
ng inyong inaasahan, magbibigay po ng dagdag ayuda ang inyong Pamahalaang Bayan
ng Rosario upang matulungan ang mga kabahayan na apektado ng pangyayaring ito.
Bilang dagdag na aksyon ng inyong Pamahalaang
Bayan ay ipinag-utos po ng ating butihing Mayor Manuel “Manny” B. Alvarez na
pansamantalang isara ngayong araw ng Lunes - ika-20
ng Abril, 2020 - ang
ating Pamilihang Bayan sa kadahilanang meron pong disinfection na gagawin. Hinihingi po ang
inyong malawak na pangunawa sa bagay na ito. Kagyat naming ipapaalam po sa inyo
kung kelan ito magbubukas muli.
At karagdang pa ring aksyon ay mayroon pong ginawang Executive
Order No. 05, s. 2020 ang ating Punong Bayan Manny Alvarez na kautusang
nagbubuo ng COVID-19 Contact Tracing Team upang matukoy ang mga kaukulang
hakbang sa pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat mamamayan ng ating Bayan ng
Rosario at lahat ng sa atin ay mga umaasa.
“LAGI PO TAYONG MAG-INGAT AT HUWAG LAGING LAYAS NG LAYAS” - iyan po ang mahigpit na payo ni Covid-19
Task Force Co-Chairman Dr. Luisito T. Luna, Rural Health Physician at inatasang
gumanap bilang Municipal Health Officer ng ating bayan.
No comments:
Post a Comment