MastHead

Slide Show

MUNICIPAL HALL of the Local Government Unit of Rosario, Province of Batangas, Philipines.
VIEW over Tombol Hill, Municipality of Rosario, Batangas, Philippines

Thursday, January 19, 2012

State of the Municipality Address by the Honorable Mayor Manuel B. Alvarez

Ang sumusunod ay sipi ng talumpati ng ating Kagalang-galang na Punumbayan Manuel B. Alvarez sa kanyang kauna-unahang State of the Municipality Address (SOMA) na ginanap noong ika-17 ng Enero, 2012 sa Plaza Luancing, Municipal Hall Compound, Poblacion B. Rosario, Batangas.

“Sa ating Pangalawang Punong Bayan, Joey T. Valencia; sa lahat ng miyembro ng ating Sangguniang Bayan; sa lahat ng Department Heads ng ating Pamahalaang Bayan; sa ating mga kawani; sa ating masisipag na mga Punumbarangay sa pangunguna ng ating ABC President, Angel B. Alvarez at iba pang mga opisyal ng barangay; at sa inyong lahat na ngayon ay naririto, magandang umaga po.

Ang araw pong ito ay tanda ng ika-100 araw ng pagtatalaga ng ating Panginoon sa inyong lingkod bilang ama at Punumbayan ng ating mahal na bayan, ang Rosario. Kung kaya’t bilang pasasalamat, ay hayaan ninyo munang ipahayag ko ang aking walang katapusang pagpupuri sa ating Mahal na Panginoon sa patuloy niyang pag-gabay at pagbibigay ng lakas ng katawan at talas ng isipan sa inyong lingkod upang patuloy kong magampanan ang mga kaakibat na obligasyon at responsibilidad na kanyang iniatang sa aking mga balikat bilang ama at Punumbayan ng Rosario.

At sa pagkakataon ding ito ay aking i-aalay sa kanya ang lahat ng aking nagawa at patuloy na gagawin pa sa loob ng panahong ako ay maglilingkod bilang Punumbayan ayon na rin sa kanyang kalooban.

Ang lahat pong ito ay aking ilalahad sa inyo ngayong araw na ito saksi ang ating Panginoon upang mabatid ng lahat na ang inyong lingkod ay agarang tumalima o tumugon at patuloy na tatalima at tutugon sa tawag ng tungkuling dapat kong gampanan bilang ama at inyong Punumbayan.

Logo ng ating bayan
Pansinin po ninyo ng sagisag o opisyal na selyo ng ating bayan ng Rosario. Ito po ang naging gabay ng inyong lingkod upang madaliang bigyang pansin ang mga proyektong ay aking babanggitin sa inyo.

Ang atin pong sagisag ay may rosario na gamit sa pagdarasal. Dito Po hango ang pangalang Rosario ng ating bayan at nagpapakita ng pagiging madasalin, pananalig sa Diyos a pagkakaroon ng pag-asa ng ating mga mamamayan.

Mayroon din itong kalasag na nagpapahiwatig ng ating pagnanais na magkaroon ng kapayapaan at seguridad sa ating bayan.

Nariyan din po ang Burol ng Tombol na isang makasaysayang palatandaan ng ating bayan. Para po sa akin ay kinakatawan nito ang kalikasan at ang ating kagustuhan na ito ay mapangalagaan.

Makikita din po natin ang linang ng palayan na isang pagkilala na tayo ay minsang naging bigasan or rice granary ng ating lalawigan ng Batangas. Saan mang dako ng mundo na ang pangunahing pagkain ay kanin, mahalaga po ang patuloy na paglinang at pangangalaga sa ating mga palayan at mga magsasaka.

Matutunghayan din po natin ang larawan ng alagang baboy at manok na kumakatawan sa mga gawaing agri-business sa ating bayan.

At sa huli, mapapansin din po ninyo ang guhit ng mga gusali na nagpapakita naman ng tuloy-tuloy na pagsulong ng rosario tungo sa kaunlaran at kasaganaan. Kumakatawan din po ito sa mithiin nating umasenso sa buhay tayong mga mamamayan. Tinatanaw din po natin ang pagiging isang lunsod ng Rosario sa nalalapit na mga panahon.

Ang mga sagisag na ito ang ginamit ko pong patnubay sa aking pamumuno bilang bago ninyong punumbayan. Ang ilan po sa aking ibabahagi sa inyo ay ang ating pong ulat tungkol sa ating mga proyektong pagawain o infrastructure, pangkabuhayan at hanapbuhay, agrikultura, pagnenegosyo, kalusugan, kagalingang panlipunan, edukasyon, katahimikan at kapayapaan, turismo at kalikasan.

Dami ng tao
Para sa taong 2011, tinatayang hihigit sa 101,000 ang ating populasyon. Kung pagbabatayan po natin ang karaniwang laki ng pamilya sa ating bayan, maaaring umabot ito sa 19,144 pamilya.
Ang ating pong mga mamamayan ang yaman ng ating bayan kaya’t kapakanan po ninyo ang laging nasa isipan natin sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng ating mga proyekto.

Proyektong mga pagawain o infrastructure
Sang-ayon po sa ating natanggap na ulat mula sa Engineering Office, mayroon po tayong mga nasimulan at ang iba ay natapos ng mga proyektong pagawain gaya ng mga sumusunod:
  • halos umabot sa Php2.0 milyon po ang ating ginastos upang makabili mg materyales at maipagawa ang mga infrastructure projects gaya ng mga kalsada sa ibat-ibang mga barangay.
  • mahigit sa Php1.2 milyon po ang ating naisagawang mga proyekto para sa malinis na tubig at pamamahagi ng tulong materyales upang magkaroon ng maayos na palikuran ang maraming pamilya sa ibat-ibang barangay.
  • naglaan po tayo ng Php440,000 para maipaayos ang ating training & livelihood center ng kasalukuyan na ginagawa upang magamit na natin para sa pagpapalaganap ng mga kasanayang pangkabuhayan.
  • halos Php890,000 naman po ang ating inilaan para tayo ay makapagpagawa ng isang disaster risk reduction management building sa dating day center building.
  • bumili din po tayo ng mga materyales ng may halagang Php360,000 para sa pagpapagawa ng covered canal sa Barangay E.
  • naipaayos po natin ang tangke ng tubig at linya ng tubig sa ating Pamilihang Bayan at nakapagpakabit po tayo ng street lights sa Barangay San Roque.
Kabilang din po sa mga natapos na at ang iba ay patuloy pang ginagawa ay ang mga sumusunod:
  • pagpapasemento ng steel bridge sa Barangay Quilib;
  • pagpapaluwang ng kalsada pagpapagawa ng kanal sa Barangay Lumbangan;
  • pagpapagawa ng waiting shed sa Barangay Cahigam;
  • pagpapagawa ng barangay outpost sa Barangay Bayawang;
  • pagsasaayos ng pader at spillway sa Barangay Tulos; at
  • pagpapaayos ng mga pasilidad sa munisipyo
Sa Tanggapan naman po ng ating Municipal Assessor, may naitala po tayong report on real property assessments para sa buwan ng Oktubre na nagkakahalaga ng Php14,482,780, samantalang Php13,486,230 naman sa buwang ng Nobyembre at Php17,723,070 sa buwan ng Disyembre.

Proyektong para sa mamamayan

Pangkabuhayan at hanapbuhay: agrikultura
Patuloy po nating ipinatutupad ang mga proyektong pansakahan gaya ng:
  • pamimigay ng higit sa 2,000 pakete ng binhi at punlang pananim na gulay tulad ng amplaya at talong para sa may 200 magsasaka mula sa may 40 barangay.
  • pamamahagi ng inorganic fertilizer sa ating 444 magsasaka galling sa 30 barangay.
  • pagsasagawa ng proyektong organic rice production sa Bagong Pook.
  • pagkakaroon ng farmers field school na sinalihan ng 30 magsasaka mula sa mga barangay ng Namuco, Itlugan, Mayuro at Bagong Pook.
  • mayroon din po tayong natulungan sa pagpapa-araro gamit ang ating traktora sa mahigit na 10 ektaryang bukirin.
  • nakatulong din po tayo sa proyektong pagpaparami ng binhing mais 2 magsasaka mula sa 2 barangay ng ating bayan.
  • tuloy-tuloy pa rin po ang ating serbisyong pagsusumpit o artificial insemination ng mga baboy, baka at kalabaw.
  • mayroon po tayong natulungan sa pagpapasumpit ng baboy na mahigit sa 280.
  • aabot naman sa 50 baka ang nasumpitan sa mga barangay ng Mavalor, Mayuro at Maalas-as na naabot ng ating serbisyo.
  • mayroon din po tayong 12 kalabaw na napasumpitan sa mga barangay ng Mavalor, Cahigam at Bulihan.
  • kabilang pa rin sa ating mga proyektong pang-agrikultura ang pautang para sa paggu-gulayan ng 10 magsasaka.
  • nakakapag-ani na rin po tau ng ibat-ibang produktong gulay sa ating green house na nasa agriculture compund sa tabi ng grotto.
Hanapbuhay at mga tulong pangkinabukasan
  • nakapagbigay po tayo ng career information guidance sa pamamagitan ng ating Public Employment Service Office o peso para sa mahigit na 1,300 kabataang estudyante na nag-aaral sa 12 paaralang pribado at pampubliko.
  • pamamahagi ng nego kart upang makatulong tayo na magkaroon ng mapagkakakitaan ang ilan nating mga kababayan.
  • kasama ang Department of Labor and Employment, meron din po tayong naipamigay na mga panimulang kagamitan panghanapbuhay para magkaroon ng pagkikitaan ang ating mga kababayan kabilang ang para sa manicure at massage therapy.
  • tumulong din po tayo sa paghahanap ng trabaho para sa mahigit na 2,900 aplikante. Umabot po sa 324 ang natulungan nating makapasok sa trabaho.
  • tumutulong din po tayo sa mga kumpanyang nangangailangan ng mga manggagawa upang sila ay makahanap dito sa ating bayan. Kabilang po dito ang mga kumpanyang Optis at Epson para sa local na trabaho at 21st Century Manpower Resources para sa overseas.
  • pinalad din po tayo na mabigyan ng dole ng ilang units ng computer na pwede nating magamit para mas makatulong pa tayo na maihanap ng trabaho ang mga nangangailangan nating kababayan.
  • nakapagsagawa din po tayo ng briefing on child labor na dinaluhan ng ating mga barangay officials.
  • noong October 29, 2011 ay dumating po sa ating bayan ang ilang bisita buhat sa Japan upang maranasan nila at makita ang ating bayan.
Komersyo at kalakalan
  • patuloy po tayong nakikipag-ugnayan sa ibat-ibang mga investors upang sila ay makapagtayo dito ng mga negosyo at makalikha ng mga trabaho para sa ating mga kababayan. 
  • Isang halimbawa po dito ay ang posibleng pagdating ng Mang Inasal sa ating bayan.
Kagalingang panlipunan
Sa pamamagitan po ng ating Social Welfare Services ay nakagawa po tayo ng mga sumusunod:
  • nakapag-abot po tayo ng cash at medical assistance para sa 119 pamilya at indibidwal na lumapit sa atin at humingi ng tulong.
  • nagbigay tulong din po tayo upang makalapit sa Philippine Charity Sweepstakes Office at mga ospital para sa medical assistance.
  • pagsasagawa ng nutrition education sessions para sa 178 na mga ina mula sa 7 barangay.
  • tinulungan po nating makasama ang 800 day care children sa educational tour sa Rizal Shrine, Gardenia at Manila Ocean Park.
  • patuloy pa rin po ang supplemented feeding na higit 1,300 na bata ang nakinabang.
  • merong 630 pamilya tayong natulungan na magkaroon ng Philhealth.
  • umabot naman sa 1,440 ang nabigyan ng financial assistance kaugnay ng cash for work/cash for training program. Nakatanggap po tayo ng higit sa Php4.7 milyon para sa proyektong ito.
  • tuloy-tuloy pa rin po ang mga proyektong pagtulong natin sa ating mga senior citizens at sa mga kababayan nating may kapansanan.
Edukasyon
  • patuloy po ang ating scholarship program na nagbibigay ng monthly allowance para sa 64 na estudyante sa loob ng 10 buwan.
  • lampas sa Php1.75 milyon ang atin pong Educational Assistance Program na nabiyayaan ang may 2,200 estudyante sa elementarya at 2,190 estudyante sa high school.
Kalusugan
  • bumili po tayo ng mga gamot na aabot sa halagang Php430,000 upang merong maipamigay ang ating mga health centers para sa mga nangangailagan.
  • ang atin pong Rural Health Units ay patuloy ang pagbigay ng tulong sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong medikal. Noong ika-2 ng Disyembre, 2011, tayo po ay nabigyan ng pagkilala sa regional level bilang may pinakamataas na “cure rate” o napagamot at napawalang-sakit sa isang bayang may populasyon na 50,000-100,000.
  • may natulungan po tayong 2,420 sa ating maternal care program o programang medikal para sa mga nagbubuntis.
  • 1,489 naman ang natulungan nating mga sanggol sa pamamagitan ng mga bakuna habang may 27,428 po tayong kabataan sa ilalim ng edad na anim na taon ang ating nasuri at napayuhan sa tamang kalusugan.
  • para naman sa mga iba’t ibang karamdaman kasama na ang TB, hypertenstion, breast cancer at iba pa, may kabuuang 1,363 ang ating nasuri at napayuhan.
  • sa ating environmental sanitation o panlipunang kalinisan, nakapagsuri at nakapagpagawa at nakapagpaayos po ang ating Health Office ng 4,032 toilets o palikuran.
  • may natulungan din tayong 539 katao na nangailangan ng mas higit na tulong medikal sa pamamagitan ng pagdala sa kanila gamit ang ating mga ambulansya sa mga espesyalista sa iba’t ibang ospital sa Maynila tulad ng PGH, St. Luke’s, Jose Reyes Memorial Hospital, Mental Hospital, Mediatrix Medical Center at N.L. Villa Memorial Medical Center.
Katahimikan at kapayapaan
  • patuloy tayong nagsisikap na maging mas maayos ang daloy ng mga sasakayan sa ating Poblacion kaya tuloy po ang gawain ng mga miyembro ng ating Rosario Traffic Management Group.
  • patuloy din po ang ating pakikipag-ugnayan sa ating PNP para sa kaayusan at katahimikan ng ating bayan. Higit po nating pinalalakas ang ating kampanya laban sa droga.
Palakasan at mga libangan
  • tuloy-tuloy po ang pagpaplano at paglulunsad natin ng mga bagong proyekto upang mapasigla ang sports sa ating bayan. Maliban sa karerahan ng Batangas Racing Ciruit na matatagpuan sa Barangay Maligaya, magkakaroon na rin po tayo ng karerahan ng mga motorsiklo na posibleng makaakit ng mga turista sa ating bayan. Ang karerahan na ito ay matatagpuan naman sa Barangay Masaya.
  • ganoon din gumagawa din po tayo ng mga plano upang maipatupad ang pagpapaganda sa ating Laurel Park. Layunin po natin na ang ating parke ay katuwaan ninyong pasyalan at maipagmalaki sa ibang bayan.
Proyektong para sa kalikasan
  • tuloy-tuloy pa rin po ang pagpapatupad natin ng mga batas na may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan.
  • ang tanggapan po ng MENRO ay patuloy na ipinapatupad an gating Municipal Ordinance 144-2005 na kaugnay ng Republic Act 9003 na patungkol sa Solid Waste Management Act of 2000.
  • simula po nung Oktubre ng nakaraang taon, mayroon po tayong naitalang 26 na katao na lumabag sa sa nasabing batas. Lahat po sila ay napatawan ng karampatang parusa tulad ng pagbayad ng kaukulang fines o di kaya naman ay pagtulong sa paglilinis ng bayan o community service.
  • ang MENRO din po ay nakapagpalabas o nag-issue ng 28 na bilang ng permits o pahintulot sa paggamit ng Laurel Park at Luansing Plaza.
  • ang tanggapan din po ng MENRO ang nagsisiguro ng kalinisan at kaligtasan ng mga lugar na ito.
  • ang atin naman pong Central MRF o Materials Recovery Facility sa ilalim pa rin ng MENRO ay nakapagtala ng 2,980 piraso ng paving blocks ang nagawa at 20 sako naman ng soil conditioner.
  • patuloy din po ang kanilang isinasagawang information, Communication at education campaign para sa waste segregation at Mga alituntunin ng Municipal Ordinance 144-2005 para masiguro na malinis at ligtas ang kabuuan ng Rosario para sa mga mamamayan nito.
  • alam po natin na isa pong haligi ng agribusiness sa ating bayan ang pag-aalaga ng baboy. Patuloy po ang ating pagpapatupad ng batas na dapat ay mayroong biogas ang malalaking babuyan upang mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan at kalinisan ng kapaligiran.
  • sa katunayan po, ang Robina Farm sa Barangay Bagong Pook ay kumuha pa ng mga consultants galing Thailand para sa kanilang ipatatayong malaking biogas facility na posibleng makalikha rin ng kuryente at organic fertilizer galing sa dumi ng baboy.
  • sinisikap po nating panatilihing malinis ang ating kapaligiran sa pamamagitan ng maayos na paglikom ng mga basura sa palengke, sa kabayanan at mga kalapit na barangay.
At sa pangkalahatan po, upang masiguro natin na ang lahat ng ating mga programa ay agarang maipatutupad, ang inyo pong lingkod ay nagtalaga ng mga taong may sapat na kakayahan at kaalaman sa iba’t ibang departamento ng ating pamahalaan lalu’t higit ay sa mga sangay na may kaugnayan sa pagpapatupad ng ating mga programa tulad ng Engineering Office, Rosario Traffic Management Group, MENRO, MPDC at MSWDO kung saan ang inyong lingkod ay umaasang magagampanan nila ang ano mang mga tungkulin at responsibilidad ng isang kawani ng pamahalaan.

Mga minamahal kong kababayan, ang lahat po ng aking inilahad na programa at proyektong ito ay hindi ko maisasakatuparan ng mag-isa. Manapa’y patuloy kong hinihingi ang inyong patuloy na pakikipagtulungan at pakiki-isa upang sa ganoon ang lahat ng ito ay hindi mauwi sa pagiging plano lamang kung hindi ang mga ito ay maging lahat na tagumpay.

Sapagkat ang tagumpay po at katuparan ng mga programa at proyektong ito ay hindi lamang tagumpay o accomplishments ng inyong Punong Bayan manapa’y ang mga ito ay magiging tagumpay at accomplishments nating lahat bilang nagkakaisang mamamayan ng ating bayan, ang bayan ng Rosario.

Higit sa lahat, ang ating pagtutulungan at pagkakaisa para sa katuparan ng mga programang ito ay tagumpay ng ating Panginoon sapagkat makikita niya na ang kanyang mga anak ay tumatalima sa kanyang tawag at mga pangaral.

Muli po ay binabati ko kayong lahat ng isang magandang umaga at mabuhay. MABUHAY ANG BAYAN NG ROSARIO!

PHOTO GALLERY












































2012 State of the Municipality Address, Rosario, Batangas

No comments:

Post a Comment

Miss Tourism Philippines 2018 - ROSARIO, BATANGAS ENTRY - MS. JAN ROSE DE CASTRO

Flushing/Disinfection Operation

Popular Posts